Freeman balik Patriots
MANILA, Philippines - Hindi na hahayaan pa ng Philippine Patriots na malagay sa alanganin ang hangaring matagumpay na pagdepensa sa suot na titulo sa AirAsi ASEAN Basketball League (ABL).
Bagong kombinasyon ng imports ang matutunghayan sa pagharap ng koponan sa Singapore Slingers sa Disyembre 18 dahil ibinalik ng Patriots si Gabe Freeman upang itambal kay Steve Thomas.
Papalitan ni Freeman si Rashiem Wright na kahit nakatulong sa kinuhang 73-71 panalo ng koponan sa KL Dragons nitong Huwebes ay nakitaan pa rin ng kahinaan na dumepensa na mahalaga lalo nga’t matitibay ang ibang koponan na kalaban ng Patriots para sa kampeonato sa Season 2.
“Mabait si Wright pero hindi ko siya masyadong maaasahan sa depensa at ito ang kulang sa atin kaya nagdesisyon na ang management na palitan siya,” wika ni team manager Erick Arejola.
Si Freeman ang ikalimang import ng koponan sa taong ito matapos patalsikin na rin ang orihinal na pinili na sina Anthony Johnson at Donald Little.
Naghatid ang 6’7 import ng 23 points, 15.5 rebounds at 1.3 assists noong nakaraang taon at kung maibibigay pa rin ang ganitong numero ay tiyak na may pagkakalagyan ang mga makakalaban.
Huling laro na ng Patriots sa taong ito ang laban sa Singapore sa Ynares Sports Arena bago sila magbakasyon bilang paggunita ng Kapaskuhan.
May 7-4 karta ngayon ang Patriots upang malagay sa solo-second place kasunod ng Slammers na may 8-2 baraha.
Ang mangungunang dalawang koponan matapos ang eliminasyon ang magtataglay ng homecourt advantage sa cross over semifinals.
- Latest
- Trending