Patriots balik sa porma, tinalo ang Dragons
MANILA, Philippines - Nanumbalik ang tikas sa pagbuslo ni Rashiem Wright habang nakapagdomina naman si Steve Thomas sa huling play upang tulungan ang Philippine Patriots na maitakas ang 73-71 panalo sa KL Dragons sa idinaos na AirAsia ASEAN Basketball Leage kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ibinuhos ni Wright ang 10 sa kanyang kabuuang 21 puntos kasama ang dalawang mahahalagang free throws sa huling 10.5 segundo upang itulak ang Patriots na naunang napag-iwanan ng 20 puntos, sa 72-71.
Matapos ito ay ang 6’9 na si Thomas naman ang nagpasikat ng bawian niya si Nakiea Miller na naunang nagdomina sa kanilang match-up.
Ang mahusay na depensa ang nagresulta upang matumba si Miller sa opensa ng Dragons at kinakitaan ito ng paglapat ng foul ni Patrick Cabahug kay JP Alcaraz.
Nagkaroon pa ng huling hirit ang Dragons dahil split ang ginawa ni Alcaraz pero nagsolo si Cabahug at ibinato ang wala sa pormang tres na hindi man lamang tumama ng ring para matalo ang bisitang koponan sa laban.
Ang tagumpay ay tumapos sa tatlong sunod na kabiguan ng Patriots kasama ang 81-96 pagyuko sa Dragons sa unang pagtutuos. Dahil dito, nasolo ng Patriots ang ikalawang puwesto sa 7-4 karta habang ang tinalong koponan ay nalaglag sa ikatlong puwesto sa 6-5.
Kontrolado ng Dragons ang first half at nakalayo sila sa 38-18, sa huling minuto sa second period. Ang basket ni Guganeswaran Batumalai sa pagbubukas ng ikatlong yugto ang nagbigay uli ng 20 puntos kalamangan sa koponan, 42-22, pero inunti-unti ng Patriots ang pagbangon.
Tinapos ni Thomas ang laro taglay ang 10 puntos at 15 rebounds upang mapawi ang anim na errors sa laro. May 14 naman si Ernesto Billones at walo rito ay ibinagsak sa ikatlong yugto na kung saan nagsimulang uminit ang opensa ng Patriots.
Philippines 73--Wright 21, Billones 14, Thomas 10, Ybañez 9, Cabatu 8, Fernandez 6, Llagas 3, Sta. Cruz 1, Alcaraz 1, Crisano 0, Salangsang 0.
Kuala Lumpur 71--– Miller 19, Hartman 13, Lingganay 12, Cabahug 11, Batumalai 8, Raymundo 6, Seng 2, Fai 0.
Quarters: 11-17; 22-40; 49-58; 73-71.
- Latest
- Trending