UE spikers hiniya ang FEU belles sa UAAP
MANILA, Philippines - Seryoso ang UE sa hangaring magkaroon ng magandang kampanya sa UAAP women’s volleyball nang kanilang pataubin ang FEU, 26-24, 25-19, 15-25, 25-22, kahapon na nilaro sa The Arena sa San Juan.
May 24 puntos mula sa 22 spikes at 2 blocks si Mar Cristel Rosale habang 11 hits naman ang ibinigay ni Jimberly Dawn Dizon para makuha ng Lady Warriors ang ikalawang sunod na panalo sa tatlong laro.
Bago ang Lady Tamaraws ay hiniya muna ng UE ang Ateneo sa pamamagitan ng 12-25, 25-20, 25-21, 13-25, 15-13 five sets panalo.
Ito naman ang ikatlong sunod na kabiguan ng Lady Tamaraws na humugot ng 20 puntos sa bagitong si Rosemary Vargas.
Samantala, hindi pa rin nakakalasap ng kabiguan ang UST at La Salle sa kalalakihan ng magsipanalo sa kanilang mga asignatura.
Gamit ang husay sa net game, umani ng 25-23, 25-23, 25-23, straight sets panalo ang Tigers sa UP Fighting Maroons habang ang Green Archers naman ay nangibabaw sa apat na sets sa Adamson Falcons, 25-17, 22-25, 26-24, 25-22.
Ininda ng Falcons ang kanilang 35 errors upang malaglag sa 1-2 karta.
Ang mga panalo ng UST na hangad ang ikaapat na sunod na kampeonato, at La Salle ay kanilang ikaapat na sunod habang ang UP ay hindi pa nananalo sa tatlong laban.
- Latest
- Trending