Quinones mountain bike king

MANILA, Philippines - Hindi pa rin natitibag si Eusebio Quinones bilang hari sa mountain bike ra­cing sa bansa.

Kahapon ay ipinakita uli ng 37-anyos na siklista ang husay sa event nang dominahin ang 33.6 kilometrong cross country race sa 2010 National Open Cycling Championships sa Timberland Heights sa San Mateo, Rizal.

Hindi nagpaapekto si Quinones na kinatawan ang Pili­pinas sa SEA Games mula pa noong 2001 sa Malaysia, sa pagkasemplang sa unang ikot at sinandalan ang husay sa ahunan para iwanan ang mga humamong sina Alvin Benosa at Frederick Feliciano.

Naorasan si Quinones, gold medalist ng 2003 SEAG sa Vietnam, ng isang oras, 10 minuto at 21.46 segundo habang si Benosa ay pumangalawa sa 1:10:23.51 at si Feliciano ang pumangatlo ay may 1:10:34.26.

Sumemplang si Quinones nang malubak ito pero pabor sa kanya ang race course dahil mayroon itong pitong akyatin na kung saan mahusay ang nanalong rider.

Sa ipinakita, umaasa pa si Quinones, silver medalist din ng 2001 Malaysia at 2007 Thailand at bronze medal winner sa 2005 Manila editions, na magkakaroon uli siya ng pagkakataon na mapasama sa pambansang koponan na ipadadala sa SEA Games sa Indonesia sa Nobyembre, 2011.

Umabot sa 25 riders ang lumahok sa kompetisyon pero walang kababaihan na sumali upang walang na­ideklarang kampeon sa kababaihan.

Ang Open na hawak ng Integrated Cycling Fe­deration of the Philippines (ICFP) at suportado ng Shangri-La Finest Chinese Cuisine, Pepsi, Gatorade, Magnolia Water at New San Jose Builders, ay magpapatuloy ngayon sa Amoranto Stadium sa pagtatapos ng track events.

Ang road racing ay gagawin naman sa Biyernes at Sabado sa paglarga ng ITT at 165-km road race.  

Show comments