MANILA, Philippines - Kapwa humatak ng sorpresang panalo sina Chris Prulla at Mahmod Dimacuta laban sa mga paboritong kalaban upang makapasok sa quarterfinals ng boys 12-and-under division ng Philippine Sports Commission Metro Age Group Tennis Championships sa Rizal Tennis Center kahapon.
Gumawa si Prulla ng solidong baseline game upang dispatsahin ang fifth seed na si Cenonlo Gonzales Jr., 6-4, 6-1, habang hiniya ni Dimacuta ang No. 8 na si Mar Raphael Teng, 6-3, 6-4 upang makaseguro ng puwesto sa round-of-eight ng isang linggong tournament na suportado ng PSC na pinamamahalaan ni Ritchie Garcia.
Makakaharap ni Prulla , tinalo si Enrico Ong, 6-0, 6-0 sa kanyang unang asignatura si Norman Gaspar na hindi man lamang pinagpawisan nang manalo ito ng walkover laban sa No. 3 na si Joel Atienza.
Makakatipan naman ni Dimacuta ang mananalo sa pagitan nina No. 4 Vince Salas at Mohamad Liham, na kasalukuyang naglalaban habang sinusulat ang balitang ito.
Umusad din ang isa pang mahigpit na paborito--si Julian Dayrit sa susunod na round matapos na itala ang 6-0, 6-1 panalo laban kay Vincent Anida, habang ginapi ni seventh pick Jacob Martin si John Angelo Cerezo, 7-5, 6-1 upang maka-puwesto sa quarters.