MANILA, Philippines - May asim pa ang two-time SEA Games gold medalist na si Alfie Catalan.
Nagpasikat si Catalan ng ilabas ang bilis sa track upang pangunahan ang pagpasok ng Sibuyan-AFP sa team pursuit finals. Umusad din ang dating pambato ng bansa sa SEAG sa finals sa individual category para maipakita na siya pa rin ang pambato ng bansa sa nasabing mga events.
Kasama sina Warren Davadilla at Emerito Atilano, naorasan ang Sibuyan-AFP ng limang minute at 26.35 segundo upang talunin ang nakalabang Team Taguig sa pagmamando ni Arnel De Jesus.
May 5:26.61 oras ang Team Taguig upang makontento na lamang sa bronze medal.
Makakalaban ng Sibuyan-AFP ang Team Roosevelt na binubuo nina Arnold Mendoza, Alvin Benosa, Reynaldo Navarro at Paulo Manapul, ang koponan na nagsumite ng pinakamabilis na tiyempo sa team event na 5:16.77.
Dahil dito, mas pinapaboran ang Team Roosevelt na manalo ng ginto sa finals na gagawin bukas.
Sa individual pursuit, dinaig ni Catalan si Arnel Quirimit sa bilis na 5:33.10, upang makuha ang karapatang labanan sa finals si Benosa na tinalo naman ang kakampi sa Team Roosevelt na si Navarro sa 5:37.91 tiyempo.
Si Kaye Lopez at Ana Marie Remigio naman ang maglalaban sa 3000m women’s individual pursuit nang magsumite ang dalawa ng pinakamabilis na tiyempo.
Ang kompetisyon na suportado ng Shangri-La Finest Chinese Cuisine, Pepsi, Gatorade, Magnolia Water at New San Jose Builders ay magpapatuloy ngayon sa pagdaraos ng mountain bike sa Timberland Heights, San Mateo, Rizal.
Sina Kaye Lopez at Ana Marie Remigio naman ang magtatagisan sa kampeonato sa kababaihan sa 3000m distansya.
Naorasan si Lopez ng 4:57.28 habang si Remigio ay mayroong 5:01.27 bilis sa elimination kahapon.
Magpapatuloy ang labanan ngayon sa paglarga ng mountain bike competition sa Timberland Heights, San Mateo, Rizal.