Dating Air21 import isasalba ang nanlalamig na kampanya ng Patriots sa ABL

MANILA, Philippines - Kinuha ng Philippine Patriots ang serbisyo ni Steve Thomas upang buhayin uli ang nanlalamig na kampan­ya ng koponan sa ASEAN Basketball League (ABL) Sea­son 2.

Si Thomas na may taas na 6’9 ay dating import ng Air21 at naipasok niya ang koponan sa Finals ng 2008 Fiesta Cup. Hindi nga lamang nito naibigay ang titulo ng matalo sila sa Barangay Ginebra sa game seven.

May timbang na 245 pounds, si Thomas ay kilala sa husay bilang isang inside operator na siyang kulang sa tropang pag-aari nina Mikee Romero ng Harbour Centre at Tony Boy Cojuangco.

Pamalit si Thomas kay 6’10 Donald Little na pinauwi na dahil sa attitude problem.

Ang pagpasok ni Thomas ay kukumpleto sa pagpapalit ng tropa sa kanilang mga orihinal na imports.

Una ng nawala si Anthony Johnson dala ng hamstring injury at siya ay pinalitan ni Rashiem Wright.

Darating si Thomas ngayong araw at kailangan ni­yang makabisado agad ang laro ng Patriots dahil sa Huwebes ay mapapalaban sila sa Westports KL Dragons sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Mahalaga ang labanang ito dahil ang mananalo ay mananatiling nasa ikalawang puwesto sa anim na ko­ponang liga.

Kagagaling sa talo sa Satria Muda BritAma, 82-78, nitong Sabado sa Jakarta, ang Patriots at Dragons ay mag­kasalo sa 6-4 karta para magkasalo sa ikalawa at ikatlong puwesto.

Ang Chang Thailand Slammers ang nangunguna pa rin sa 8-2 baraha matapos kunin ang 77-66 panalo sa Singapore Slingers.

Mahalaga ang unang dalawang puwesto matapos ang triple round elimination dahil magtataglay ang mga koponang ito ng homecourt advantage sa best of three semifinals.             

Ang top team naman matapos ang elimination ang may homecourt advantage hanggang sa best-of-five Finals.

Show comments