MANILA, Philippines - Hindi man nakita ang dating tikas, hindi naman nasayang ang paglahok nina John Paul Morales at Nilo Estayo nang manalo sila sa sinalihang events sa pagbubukas ng ICFP 2010 National Open Cycling Championships kahapon sa Amoranto Velodrome .
Si Morales, na isang bronze medalist ng SEA Games ay nagdomina sa 1,000m men time trials gamit ang hiram na bisikleta.
“Nahirapan ako dahil hindi aerodynamic ang bisikletang gamit ko. Pero nasa kondisyon pa rin ako kaya nakuha ko ito,” wika ng 24-anyos na si Morales na naorasan ng isang minuto at 14.5 segundo.
Tinalo niya ng milya-milya si Michael Quirimit na kinapos ng 13.39 segundo para sa 2nd place.
Nagpamalas pa rin ng husay ang beteranong si Estayo matapos kunin ang pangunguna sa 800m at 1,600m event sa palarong suportado ng Shangri-La Finest Chinese Cuisine, Pepsi, Gatorade, Magnolia Water at New San Jose Builder.
Naorasan si Estayo sa bilis na 1:06.70 sa 800-m habang 2:24 naman ang tiyempo nito sa 1,600m distansya.
Kuminang din ang dating pambato sa triathlon na si Ana Lisa Remigio bukod pa kay Wilfred Arabe sa women at juniors competition.
Si Remigio ay nangibabaw sa mga dati ring triathletes na sina Kaye Lopez at Marita Lucas sa 1000m time trials sa 1:33.14 tiyempo habang si Arabe naman ay nanalo kay Lawrence Mendoza sa juniors class.
Magpapatuloy ang aksyon sa track ngayon at sa Miyerkules naman ay ilalarga ang mountain bike competition sa Timberland Heights sa San Mateo, Rizal.
Balik-Amoranto ang aksyon sa Huwebes habang ang road events ay isusulong naman sa Disyembre 10 at 11.
Sa pangunguna ni ICFP president Dr. Philip Juico, ang National Open na huling idinaos noong 1985 sa Cagayan De Oro ay ibinalik sa hangaring makatuklas ng mga bagong siklista na maaaring gamitin ng bansa sa Southeast Asian Games sa Indonesia.
“Ibinalik natin ang Open para sa mga siklista upang mabigyan sila ng pagkakataon na maipakita ang kanilang husay. Simula pa lamang ito at marami pa kaming plano para ibalik ang sigla ng cycling sa bansa,” ani Juico.