MANILA, Philippines - Patikim pa lamang ni Nonito Donaire Jr. ang kinuhang knockout win laban kay Wladimir Sidorenko na natulog sa ikaapat na round sa sagupaan nitong Linggo sa Anaheim, California.
Mismong si Donaire ang nagsabing may ilalabas pa siyang mas mabangis na porma lalo na kung mas mabigat na kalaban ang kanyang haharapin.
“I was inspired to train really hard and that’s why I did what I had to do and from this point on, I think you’ll keep seeing a better Nonito Donaire everytime,” wika ng 28-anyos na si Donaire na dating kampeon ng IBF at IBO flyweight division at mayroon ng 25 panalo sa 26 laban kasama ang 17KO.
Ang panalo ni Donaire sa dating WBA bantamweight champion ay naglinya sa kanya sa posibleng title fight laban kay Mexican Fernando Montiel na kampeon ng WBC at WBO, na pansamantalang itinakda sa Pebrero 19.
Pero para mangyari ito, dapat munang manalo si Montiel kay Eduardo Garcia sa Disyembre 11 sa Mexico na kung saan itataya niya ang suot na dalawang korona.
“I want to fight the best guy out there. I know I can beat Montiel. He’s a tough guy and he know he can beat me as well. It’s just about getting the right mentality, proper training and everything to win,” dagdag pa nito sa panayam ng Examiner.com.
Mas magsisipag umano siya sa pagsasanay dahil ang laban kay Montiel ang isa sa mga matagal na niyang pinanabikang laban.
Ang paniniwalang mananalo siya kay Montiel na may 43 panalo sa 47 laban kasama ang 33 KO ay suportado naman ng kanyang trainer na si Robert Garcia.
Ang nasabing trainer, na hinawakan si Antonio Margarito nang natalo ito kay Manny Pacquiao nitong Nobyembre 14, ay nagsabing mahirap talunin si Donaire sa 122 pound division dahil akmang-akma sa kanya ang timbang.
“He had trouble making 115 and he made 118 fine. Three pounds higher wasn’t that much of a difference. I think at 122 is were he is going to be best,” wika ni Garcia.
Sa ngayon ay magpapahinga muna si Donaire lalo ngang namaga rin ang kanyang kaliwang kamao na siya niyang ginamit upang mapahirapan si Sidorenko na nalasap ang ikatlong kabiguan sa huling apat na laban.
Plano rin niyang bumisita sa bansa uli kasama ang may bahay na si Rachel ngunit babalik din siya agad sa Las Vegas para masimulan ang paghahanda kay Montiel.
Samantala, pinuri kahapon ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III si boxer Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. at ang Philippine national football team matapos magtala ng magkakahiwalay na panalo.
Ayon kay Aquino, ang naturang mga tagumpay nina Donaire at ng Azkals football squad ay muling nagtampok sa husay ng mga Pinoy sa sports scene.