16 teams maglalabu-labo sa Liga Dabaw cagefest
MANILA, Philippines – Kabuuang 16 teams, walong collegiate at walong commercial squads, ang lalahok sa Liga Dabaw basketball tournament na nakatakda sa Enero 8 hanggang Marso 15, 2011 sa Davao Cty.
Ang torneo ang siyang magdedetermina sa magiging kinatawan ng Davao City sa 2011 Liga ng Pilipinas, isang nationwide basketball tournament.
Si dating Philippine Sports Commission (PSC) chairman Butch Ramirez ang tumutulong sa pag-organisa ng Liga Dabaw katuwang sina Willy Torres, presidente ng University of Mindanao, bilang chairman at Atty. Mans Carpio bilang vice chairman.
Sinabi ni Ramirez, consultant ngayon para sa national affairs ni Davao City Mayor Sarah Duterte, na iimbitahan nila sina Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Manny V. Pangilinan at executive director Noli Eala para maging special guests sa kanilang opening ceremony.
Inimbitahan na rin ng grupo si boxing superstar Manny Pacquiao dahil ang kanyang MP Warriors ay maglalaro rin sa Liga Dabaw.
“This is all part of the sports program under Mayor Duterte, and we hope to find the best team to represent Davao in the Liga ng Pilipinas,” ani Ramirez.
- Latest
- Trending