La Salle belles dinispatsa ang NU Bulldogs
MANILA, Philippines – Pinangatawanan ng nangungunang La Salle kung bakit sila nasa unahan ng standing matapos na magaang na dispatsahin ang National University, 25-11, 25-14, 25-9 at itakas ang kanilang ikatlong sunod na panalo sa UAAP Season 73 womens volleyball tournament kahapon sa Arena.
Binalikat nina Jacqueline Alarca at Stephanie Mercado ang scoring machine ng Lady Archers matapos na maglista ng 13 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod bukod pa ang kanilang kinanang tig-8 kills mula sa kabuuang 35 kung saan tinapos ng Taft-based spikers ang Lady Bulldogs (1-2) sa kalahating oras na labanan.
Pinayagan lamang ng DLSU ang NU na makapuntos ng 16 kills mula sa kanilang kabuuang pinakawalan na 91 kung saan si Maricar Nepumuceno ang siyang hinirang na top scorers ng Lady Bulldogs na may 16 puntos. Nakapuntos rin ang La Salle sa ginawang 21 errors ng NU.
“The girls played very well today while NU had a hard time receiving and setting up for their attacks,” wika ni La Salle coach Ramil de Jesus.
Samantala, itinakas naman ng men’s division leader Far Eastern U ang kanilang ikatlong dikit na panalo matapos na payukurin ang NU, 25-12, 23-25, 27-25, 28-26.
Naglista si Rodolfo Labrador Jr., ng 19 puntos para pamunuan ang opensa ng Morayta-based netters na umangat na ng isang panalo mula sa DLSU.
Inangkin ng Green Archers ang kanilang ikalawang sunod na panalo makaraang pagulungin ang University of the Philippines, 25-16, 25-18, 19-25, 17-25, 15-12, kung saan umiskor sina Chris Macasaet at Emilio Lee ng 25 at 17 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Bumagsak naman ang Bulldogs sa 1-2 karta, habang ang nalubog naman ang Maroons sa 0-2 kartada.
- Latest
- Trending