LOS ANGELES-- Umiskor si Kobe Bryant ng 22 points, habang nag-ambag si Pau Gasol ng 16 sa kabila ng kanyang strained left hamstring para tulungan ang Los Angeles Lakers sa pagpigil sa kanilang four-game losing slump mula sa 113-80 victory sa Sacramento Kings.
Nagdagdag si Lamar Odom ng 16 points at 7 rebounds para sa two-time defending champions na tumapos sa pinakamahaba nilang kamalasan sapul noong Abril 2007.
“We came out focused and we played aggressive from the first minute,” sabi ni Gasol.
Kaagad na kinuha ng Los Angeles ang isang 18-point lead laban sa Sacramento sa first half patungo sa isang 32-point advantage bago sinelyuhan nina Bryant at Gasol ang panalo ng Lakers.
Tumipa si Jason Thompson ng 19 para sa Kings, natalo sa ikaanim na sunod na pagkakataon.
Nagposte si Tyreke Evans ng 15 points mula sa kanyang 5-of-15 shooting at may 11 naman si Pooh Jeter para sa Kings.
Matapos maglista ng 13-2 start, natalo ang Los Angeles sa Utah, Indiana, Memphis at Houston.
Sa Salt Lake City, humataw si Dirk Nowitzki ng 26 puntos mula sa kanyang 12-of-18 shooting at nag-ambag naman si Caron Buttler ng 16 puntos upang tulungan ang Dallas na mapalawig ang kanilang winning streak sa walong games matapos na talunin ang Utah Jazz, 93-81.
Winakasan rin ng Mavericks ang pitong sunod na panalo ng Utah.
Sa Boston, naglista si Kevin Garnett ng 20 puntos bukod pa ang season-high 17 rebounds at gumawa naman si Rajon Rondo ng 12 puntos at banderahan ang Boston sa kanilang ikaanim na sunod na panalo matapos igupo ang Chicago Bulls, 104-92.
Sa iba pang resulta, nanalo ang New York Knicks sa New Orleans Hornets, 100-92 at Toronto Raptors sa Oklahoma Thunder, 111-99.