Air21 kontra Barako Bull; Smbeer vs Alaska: Peek inilapit ang Texters sa twice-to-beat
MANILA, Philippines – Dapat pa ring katakutan ang beteranong si Ali Peek.
Humugot ang 6-foot-5 power forward ng 12 sa kanyang 25 points sa fourth quarter para tulungan ang Talk ‘N Text sa 86-81 paggiba sa Rain or Shine at patuloy na asamin ang ikalawa at huling ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinal round ng 2010-2011 PBA Philippine Cup kagabi sa Digos, Davao del Sur.
Bumangon ang Tropang Texters mula sa isang 8-point deficit sa kaagahan ng final canto para talunin ang Elasto Painters at kunin ang kanilang ikalawang sunod na panalo.
Muling tumabla ang Talk ‘N Text sa Barangay Ginebra sa ikalawang posisyon sa likod ng magkatulad nilang 9-3 marka sa ilalim ng San Miguel (11-2) kasunod ang Meralco (6-6), nagdedepensang Derby Ace (6-6), Rain or Shine (5-6), Alaska (5-7), Air21 (4-7), Powerade (3-10) at Barako Bull (2-10).
Ang No. 1 at No. 2 teams ang magkakaroon ng ‘twice-to-beat’ incentive kontra sa No. 8 at No. 7 squads, ayon sa pagkakasunod, sa quarterfinals. At matapos ang 14-game elimination round, ang No. 9 at No. 10 teams ay tuluyan nang masisibak.
Matapos kunin ang third period, 67-63, pinalaki ng Elasto Painters ang kanilang lamang sa 73-65 mula sa three-point shot ni Sol Mercado sa 9:43 ng final canto.
Huling natikman ng Asian Coatings franchise ang unahan sa 81-75 sa 3:36 ng laro galing sa follow up ni Larry Rodriguez kasunod ang 9-0 atake ng Tropang Texters, ang pito rito ay mula kay Peek, upang ilista ang 84-81 abante, sa natitirang 17.5 segundo.
Ang tumalbog na tres ni Mercado sa posesyon ng Rain or Shine ang nagresulta sa dalawang freethrows ni Jason Castro sa nalalabing 6.0 segundo para sa 86-81 bentahe ng Talk ‘N Text.
Samantala, asam ng Beermen na tuluyan nang makopo ang No. 1 berth sa quarterfinals sa pakikipagharap sa Aces ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Express at Energy Boosters sa alas-4 ng hapon sa Araneta Coliseum.
Inangkin ng San Miguel ang isa sa dalawang ‘twice-to-beat’ advantage sa quarters matapos talunin ang Meralco, 98-94, noong Biyernes.
- Latest
- Trending