MANILA, Philippines – Tinalo ni dating RP No. 1 Johnny Arcilla si veteran campaigner Rolly Anasta, 6-1, 6-1, para sa kanyang title-retetion bid sa pagsisimula ng 29th Philippine Columbian Association Open sa indoor shell-clay courts sa Plaza Dilao, Paco, Manila kahapon.
Kaagad na inalisan ng pag-asa ng 28-anyos na si Arcilla si Anasta, palagian nang lumalahok sa nasabing annual at richest local tennis tournament sa bansa, sa first set patungo sa kanyang tagumpay.
Hangad ni Arcilla ang kanyang pang limang sunod na korona at ikaanim sa kabuuan sa netfest na inihahandog ng Cebuana Lhuillier.
“Magandang simula ito pero tiyak na mas malalakas pa ang makakalaban ko,” wika ni Arcilla.
Binigo naman ni Filipino-American Andrew Cooney si local bet Jessie Lapore, 6-1, 6-0, papasok sa second round.
“Hindi ko pa siya napapanood maglaro pero paghahandaan ko siya sa laban namin sa second round,” ani Arcilla kay Cooney.
Umiskor rin ng mga panalo sina Fil-Am Rickey Baylo at Patrick John Tierro.