CLEVELAND - Iginiit ni LeBron James na trabaho lang ito at walang personalan.
Umiskor si James ng season-high 38 points, ang 24 rito ay kanyang ibinuhos sa third quarter, para igiya ang Miami Heat sa 118-90 paglampaso sa dati niyang koponang Cleveland Cavaliers.
“I have the utmost respect for this franchise, the utmost respect for these fans,” wika ni James
Ito ang pinakamasakit na pagkatalo ng Cavaliers matapos silang iwan ni James para lumipat sa Heat.
“I thought he played great,” sabi ni Cavs coach Byron Scott. “Simple as that.”
Ito rin ang unang paglalaro ni James sa Cleveland na iginiya niya sa loob ng pitong taon at nagtampok sa kanya ng back-to-back MVP awards.
Bago ang laro, nilait muna at binuska si James ng mga fans ng Cavalliers.
At may mga hawak na “Quitness” at “Play Like It’s Game Five”.
Nagdagdag si Dwyane Wade ng 22 points para sa Heat kasunod ang 18 ni James Jones at 15 ni Chris Bosh para sa kanilang 12-8 kartada.
Pinamunuan ni Daniel Gibson ang Cavaliers sa kanyang 21 markers.
Sa Oakland, California, umiskor si Jason Richardson ng 25 puntos laban sa kanyang dating koponan at nagdagdag naman si Grant Hill ng 24 puntos upang pamunuan ang Phoenix laban sa Golden State, 107-101.
Nag-ambag naman si Steve Nash ng 13 puntos at itinabla ang kanyang season-high na 16 assists nang igupo ng Suns ang Golden State sa siyam mula sa kanilang 11 paghaharap.
Kumana naman si Monta Ellis ng 38 puntos para sa Warriors.