Phl Patriots pipiliting makabalik sa porma vs Indonesians sa Jakarta
MANILA, Philippines - Maipakitang may kakayahan pa rin ang Philippine Patriots na madepensahan ang ASEAN Basketball League (ABL) title sa Season ang gagawin ng koponan sa pagdayo sa Jakarta upang harapin sa ikalawang pagkakataon ang Satria Muda BirtAma sa Indonesia.
Ganap na alas-6 ng gabi itinakda ang sagupaan na kung saan pakay ng bisitang Patriots na mawakasan ang dalawang dikit na kabiguan na tinamo ng koponan.
Matapos mapahiya sa Chang Thailand Slammers, 68-69, nabigo uli ang nagdedepensang koponan sa Westports KL Dragons, 81-96, upang malaglag sa 6-3 karta.
Sisikapin ng Patriots na mapigilan ang pagkakalapag sa 0-3 karta sa pagbangga sa Indonesian team na tinalo ng Pilipinas sa ABL Series One at may pinakamasamang 2-8 record.
Hindi magagamit ng Patriots ang serbisyo ni 6’10 import Donald Little kaya’t iaasa ng koponang pag-aari nina Mikee Romero at Tony Boy Cojuangco ang kampanya sa ibang players sa pangunguna ni 6’3 Rashiem Wright na nagpasabog ng 31 puntos sa huling nabigong tagisan
Solo sa liderato ang Chang Thailand Slammers sa 7-2 karta habang ang Pilipinas ang nasa ikalawang puwesto sa 6-3 karta.
Ang Dragons ay nakasunod sa 5-4 karta kasama ng Singapore Slingers bago sundan ng Brunei (3-7) at BritAma (2-8).
Ang mangungunang apat na koponan matapos ang triple round elimination ang uusad sa cross over semifinals na isang best-of-three series.
- Latest
- Trending