MANILA, Philippines – Isang masaganang Pasko at manibagong Bagong Taon.
Ito ang matatanggap ng mga national athletes, kasama ang kanilang mga coaches, na nakapag-uwi ng kabuuang 3 gold, 4 silver at 9 bronze medals sa nakaraang 16th Asian Games sa Guangzhou, China.
Personal na ibibigay ni pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa mga atleta at coaches ang kanilang mga insentibo bukas sa Badminton Hall sa Rizal Memorial Coliseum.
Sina gold medal winners Engelberto “Biboy” Rivera ng bowling, Dennis Orcollo ng billiards at Rey Saludar ng boxing ay tatanggap ng tig-P1 milyon base sa nakasaad sa Republic Act 9064 o ang Athletes and Coaches Incentives Act.
Sinabi ni Philippine Sports Commission chairman Ritchie Garcia na kabuuang P9.5 million incentives ang kanilang ibibigay kung saan P6.4 milyon dito ay mapupunta sa mga athletes at ang P3.1 milyon ay sa kanilang mga coaches.
Ang mga silver medalists na sina Warren Kiamco ng billiards, Miguel Luis Tabuena ng golf at Annie Albania ng boxing ay magbubulsa ng tig-P500,000.
Sina Grandmasters Wesley So, Joey Antonio, Eugene Torre, John Paul Gomez at Darwin Laylo ng chess ay makakakuha ng tig-P200,000 para sa chess team standard silver medal.
Sina bronze medalists Frederick Ong ng bowling, Mark Eddiva ng wushu, Tshomlee Go, John Paul Lizardo, Paul Romero at Kristie Elaine Alora ng taekwondo at Victorio Saludar III ng boxing ay tatanggap ng tig-P100,000.
Bibigyan rin sina dancesports’ Carlea Lagaras at Ronnie Steeve Vergara ng tig-P100,000 para sa dalawang bronze medals sa Latin Cha-cha-cha at Latin Paso Doble events.