MANILA, Philippines – Pinagbayad ni Drian Francisco ang maduming paglaban ni Duanpetch Kokietgym ng Thailand nang iuwi nito ang tenth round knockout panalo sa labang ginanap nitong Martes sa Bueng Kan School, Bueng Kan, Nong Khai, Thailand.
Tatlong beses ngang humalik sa lona ang pambato ng host country at ang huli ay nangyari sa tenth round sa isang matinding right hook at uppercut.
Hindi pa nga nagkakamalay ay binitbit gamit ang stretcher si Kokietgym ng inilabas ng ring at agad na dinala sa ospital.
Ito ang ika-20 panalo sa 21 laban ni Francisco at naiangat niya ang KOs record sa 16. May isang tabla rin si Francisco na nangyari noon pang 2007.
Unang tagumpay din ito ng 28-anyos na si Francisco sa labas ng bansa at higit dito, binitbit din niya ang interim WBA World super flyweight title.
Ililinya rin si Francisco, na tinaguriang “Gintong Kamao” dala ng lakas sa magkabilang kamao, ang sarili bilang mandatory challenger sa dibisyon at maaaring mapalaban kay WBA champion Hugo Cazares ng Mexico sakaling manalo ito sa gagawing title defense laban kay Hiroyuki Hisataka ng Japan sa Disyembre 23.
Ikalawang kabiguan naman ito sa 55 laban ni Kokietgym na nagpakawala ng ilang mga low blows sa hangaring talunin ang Filipino boxer.
Ang illegal punch sa sixth round ay nagresulta upang mabawasan si Kokietgym ng puntos.
Nasaktan man, bumawi si Francisco sa pamamagitan ng left hook para bumulagta ang kalaban. Bumangon uli ang Thai boxer pero tumumba uli sa isang right hook.
Masuwerte lamang ito at tumunog ang bell na hudyat na tapos na ang round para maalpasan ang round.
Tila nakabawi naman ng lakas si Kokietgym sa pangyayari nang sabayan uli si Francisco sa sumunod na tatlong round.
Pero hindi maiaalis ang panalo kay Francisco nang matiyempuhan uli si Kokietgym ng matinding suntok upang tuluyang matapos ang laban.
Hindi man makapaniwala ang mga local boxing fans, pinalakpakan naman nila si Francisco na nanalo ng malinis laban sa kalaban na marumi kung lumaban.