Heat ibinalik sa porma ng Big Three
MIAMI - Nagkaroon sina LeBron James at Fil-American coach Erik Spoelstra ng isang pregame meeting kahapon ukol sa malamyang inilalaro ng Miami Heat.
At naging positibo naman ang resulta.
Umiskor si James ng 30 points, habang nagdagdag si Dwyane Wade ng 26 kasunod ang 20 ni Chris Bosh para igiya ang Heat sa 105-94 paggupo sa Washington Wizards.
Humugot si James ng 20 markers sa first half at may 15 naman si Wade sa third quarter.
“We have to figure out how to complement each other on the court,” wika ni James sa kanilang nagiging laro nina Wade at Bosh sa Miami, nanggaling sa kabiguan sa Dallas Mavericks.
Pinamunuan ni Andray Blatche ang Washington sa kanyang 26 points kasunod ang 23 ni Gilbert Arenas.
Nagdagdag naman si Nick Young ng 13 markers at 10 si JaVale McGee na humakot rin ng 10 rebounds.
Sa Oklahoma City, ikinunekta ni Russell Westbrook ang 12 mula sa kanyang 25 puntos sa ibinabang 14-0 run sa huling bahagi ng final canto bukod pa ang 11 assists at umahon ang Thunder at talunin ang Charlotte Hornets, 95-89.
Umiskor si Westbrook ng anim na sunod upang itabla ang iskor, bago kumunekta ng driving layup at tres na naglagay sa Thunder sa unahan, 88-81 may 1:38 segundo na lamang ang nalalabi sa laro.
Umasinta naman si Kevin Durant ng apat na freethrows sa huling bahagi ng labanan upang selyuhan ang kanilang panalo.
Sa Dallas, gumawa si Caron Buttler ng 13 mula sa kanyang 19 puntos sa inilatag na atake sa third canto at naglista naman si Dirk Nowitzki ng 20 puntos at 10 rebounds upang trangkuhan ang Mavericks sa 101-91 tagumpay laban sa Houston Rockets.
Nagdagdag si Shawn Marion ng 14 puntos at 10 rebounds para sa Mavericks.
- Latest
- Trending