MANILA, Philippines – Hindi na naitago kahapon ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Manny V. Pangilinan ang kanyang pagkadismaya sa naging kampanya ng Smart Gilas sa nakaraang 16th Asian Games sa Guangzhou, China.
Sinabi kahapon ni Pangilinan na magtatakda siya ng isang pulong sa hanay ng coaching staff ng Smart Gilas sa pamumuno ni Serbian head coach Rajko Toroman.
“Medyo minalas tayo doon. Hindi naipasok si (Marcus) Douhit, nagkaroon ng pinsala si Japeth (Aguilar), si (Sol) Mercado,” ani Pangilinan, chairman naman ng Amateur Boxing Associartion of the Philippines (ABAP). “Pero what we’ll do just like in the case of ABAP, is to convene and meeting with coach Rajko, his staff and other members of the basketball community.”
Bagamat nagkaroon na ng basbas ang 6-foot-11 na si Douhit mula sa Senado at Kongreso para maging isang Filipino citizen, hindi naman ito nilagdaan ni Pangulong Benigno “Noynoy’ Aquino III sa Malacañang.
Sina Mercado, Asi Taulava at Kelly Williams ang tatlong professional cagers na hiniram ng SBP sa Philippine Basketball Association (PBA).
Tumapos ang Nationals bilang sixth-placer sa 2010 Guangzhou Asiad matapos matalo sa Qatar, 71-81, sa classification. Muling pinagharian ng China ang nasabing quadrennial meet laban sa South Korea.
Nahulog rin sa No. 6 ang mga Pinoy noong 1966 Asian Games.
Hangad ng Smart Gilas na makalaro sa 2012 Olympic Games sa London sa pamamagitan ng panalo sa 2011 FIBA-Asia Championships, ang qualifying event para sa 2012 Games.
“We will sit down and examine kung anong pagkakamali natin,” dagdag ng telecommunications mogul sa kanyang gagawin.
Ang mga Pinoy ang nagdomina sa unang apat na edisyon ng Asiad noong 1951, 1954, 1958 at 1962 at tanging Asian country na nanalo ng medalya (bronze medal) sa 1954 World Basketball Championship.
Ang tropa ni Sen. Robert Jaworski, Sr. noong 1990 Beijing Asiad ang nag-uwi ng silver medal makaraang mabigo sa nagharing China.