MANILA, Philippines - Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang nagdedepensang kampeon na Manila Sharks at Batangas Bulls nang talunin ang mga nakalaban sa semifinals ng Dunkin’ Donuts Baseball Philippines Series VII kahapon sa Felino Marcelino Memorial Field sa Taguig City.
Nagbaga ang opensa ng Sharks na suportado ng Harbour Centre, mula sa bottom third habang kinailangan ng Bulls ang husay ni pitcher Romeo Jasmin sa huling inning para maselyuhan ang pagkikita ng dalawa sa Finals na sisimulan sa Disyembre 11.
Ang sacrifice fly ni Jarus Inobio para makaiskor si Junifer Pinero ang tuluyang nagbigay ng kalamangan sa Sharks, 4-3, habang nakitaan din ng init ng pagpukol si Jon Jon Robles para tuluyang pagpahingahin ang dating two time champion na Dolphins sa bisa ng 13-5 panalo.
Bago ito ay kumubra muna ang Bulls ng 7-6 tagumpay sa Alabang Tigers at malaki ang papel ni Jasmin na ikatlong pitcher na ginamit ng koponan.
Matapos makita ang 7-2 kalamangan ay naging 7-6, nang magbigay ito ng apat na runs sa tatlong hits, bumawi si Jasmin ng kanyang hiritan ng magkasunod na strikeouts sina Marco Martinez at Matt Laurel upang matapos ang laban.
Pakay ng Bulls ang ikatlong titulo matapos dominahin ang Series III at V laban sa Sharks ligang inorganisa ng Community Sports Inc.