Abarrientos, Pablo uupo na sa bench ng FEU
MANILA, Philippines - Dalawang tiningalang players na mula sa Far Eastern University ang kinuha ng paaralan upang makasama sa kanilang coaching staff.
Ang mahusay na pointguard na si Johnny Abarrientos at dating kinatakutan sa frontline na si Vic Pablo ay magkakasama uli sa FEU hindi bilang manlalaro kundi bilang mga assistant coaches ng interim head coach na si Ritchie Ticzon.
Sina Abarrientos at Pablo ay nagtulong nang bigyan ng titulo ang Tamaraws noong 1991 UAAP season at sila ay nagtagumpay din ng naglaro sa PBA.
Ayon kay FEU athletic director Mark Molina, hinugot ang dalawa upang tulungan ang mga manlalaro ngayon na naglalaro sa kanilang dating mga puwesto.
“Ito ang unang pagkakataon na kumuha kami ng coaches na ang role ay naka-focus sa specific skills. Vic will develop our big men while Johnny will enchance the level of our guards,” wika ni Molina.
Sina Pablo at Abarrientos ang ikalawa at ikatlong assistant sa FEU matapos ni Mike Oliver.
Napilitan ang FEU na magbago sa kanilang coaching staff nang nagbitiw si Glenn Capacio bilang head coach matapos matalo ang Tamaraws sa Ateneo sa nagdaang UAAP men’s basketball season.
Si Ticzon na dating manlalaro ng Eagles, ang siyang kinuhang kapalit dahil assistant din siya ni Capacio at naihatid na niya ang FEU sa ikatlong puwesto sa nagdaang UNIGames sa Dumaguete City.
Nagkasama na sina Pablo at Abarrientos sa bench ng FEU pero hindi naging maganda ang unang pag-upo nila dahil lumasap ng 57-75 pagkadurog ang koponan sa Adamson sa quarterfinals sa idinadaos na Philippine Collegiate Champions Cup.
Ang pinal na desisyon kung mananatili ang mga ito bilang coaches ng koponan ay mangyayari bago lumarga ang 2011 UAAP season.
- Latest
- Trending