MANILA, Philippines - Sisikaping ipakita ni Juan Manuel Marquez na karapat-dapat pa siyang harapin ni eight division world champion Manny Pacquiao sa pagsagupa nito kay Michael Katsidis ngayon sa Las Vegas Nevada.
Paglalabanan nina Marquez at Katsidis WBA super lightweight at WBO super lightweight title na hawak ng Mexicano matapos talunin si Juan Diaz noong Hulyo 31.
Kailangang manalo ng 37-anyos na si Marquez sa nasabing laban upang maikonsidera siya bilang posibleng katunggali ni Pacquiao sa 2011.
Inihayag ni Freddie Roach na nais niyang makaharap uli ni Pacquiao si Marquez na nagbigay sa Pambansang kamao ng dalawang di malilimutang labanan.
Nagtabla ang unang pagtutuos noong 2004 bago nailusot ni Pacquiao ang split decision na panalo sa huling pagtatapat noong 2008. Pero ipinagdidiinan ni Marquez na siya pa rin ang nanalo sa laban at napaboran lamang ng mga hurado si Pacquiao kaya nanalo.
Nais ni Roach na labanan si Marquez uli upang mapatahimik na ito ng tuluyan at ang laban ay dapat isagawa sa 147 pound division o 12 pounds mas mataas sa dibisyong pinaghaharian ni Marquez.
May 51-5-1 kasama ang 37 KO karta si Marquez habang si Katsidis ay mayroong 27-2-0, 22 KO baraha at inaasahang magiging mainitan ang nasabing laban na posibleng mauwi pa sa knockout dahil parehong kilala ang dalawa sa lakas ng pagsuntok.