Patrombon na-injured, talo sa singles, kumakasa pa sa doubles
MANILA, Philippines - Minalas si Jeson Patrombon na natubuan ng wart sa kaliwang paa na kanyang ininda para lasapin ang 4-6, 2-6, kabiguan kay Lucas Pouille ng France sa round of 32 ng 24th Yucatan World Cup sa Meridan, Mexico.
Dahil sa sakit na nararamdaman kapag itinatapak ang kaliwang paa, kung kaya’t limitado ang galaw ni Patrombon sa court na agad na kinapitalisa ni Pouille para mawakasan ang kampanya ng 17-anyos na Filipino netter na sixth seed din sana sa boy’s singles.
Ngunit hindi pa naman natatapos ang kampanya ni Patrombon sa Grade I tournament na ito dahil nalusutan ng tambalang Patrombon at Jarin Grinter ng New Zealand ang hamon nina Patrik Fabian ng Slovak Republic at Justin To ng Hong Kong sa bisa ng 2-6, 7-6 (2), (10-7) panalo sa round of 16.
Ang second seeds na sina Olivert Golding at George Morgan ng Great Britain ang sunod na makakaharap nina Patrombon at Grinter na may iniinda ring pulled muscle sa tiyan.
“It was a miracle how they won this match in the tie-break and it was just will to win that got them through to the quarterfinals,” wika ni coach Manny Tecson.
Anuman ang mangyari sa kampanya ni Patrombon sa torneong ito, isa lamang ang tiyak na ito na ang huling laro niya sa 2010.
Inabisuhan na kasi si Jeson ng doktor na sumuri sa kanyang injury na dapat itong ipa-opera na para manumbalik ang dating sigla nito sa paglalaro.
- Latest
- Trending