Nationals ipinatikim ang galit sa North Korea, hiniya
GUANGZHOU - Ibinaling ng Smart Gilas Team Pilipinas ang kanilang ngitngit matapos masibak ng South Korea sa quarterfinal round noong Miyerkules sa North Korea, 96-69, para sa tsansang makuha ang fifth place sa 16TH Asian Games basketball competitions sa Ying Dong Gymnasium.
Bagamat nahulog sa classification round, ipinakita naman ng Nationals ang kanilang pamatay na porma laban sa mga North Koreans.
Ang North Korea ay fourth placer sa Group E sa preliminary round kung saan nila tinalo ang Mongolia, 88-67, at Uzbekistan, 81-70, bago natalo sa Jordan, 80-90.
Sinamantala nina Greg Slaughter, Mac Baracael at Chris Lutz ang mahabang playing time na ibinigay sa kanila ni coach Rajko Toroman.
Kumolekta sina Slaughter, Baracael at Lutz ng pinagsamang 28 rebounds, 10 assists at 4 steals para sa Smart Gilas.
Kinuha ng Nationals ang 28-22 lamang sa first period patungo sa 54-37 pagbaon sa North Koreans sa halftime sa likod nina Jayvee Casio, Jason Ballesteros, Sol Mercado at Kelly Williams.
“Obviously, we’re a better team than North Korea,” sabi ni Toroman. “No question, we have a competitive team. It’s a pity we’re not in the semifinals as we couldn’t make our shots against South Korea.”
Isang 17-0 atake ang inilunsad ng Smart Gilas upang tuluyan nang igupo ang North Korea mula sa kanilang 62-37 abante.
Sa pangunguna ng 6-foot-11 na si Slaughter, tinalo ng Nationals ang North Koreans sa rebounding, 50-23.
Philippines 96--Slaughter 18, Baracael 18, Lutz 15, Casio 13, Barroca 9, Tiu 9, Ballesteros 6, Mercado 4, Williams 4, Lassiter 0.
North Korea 69--Pak MJ 17, Kye 16, Pak UC 9, Sin 9, O 8, Ri 4, Kim 4, An 2.
Quarterscores: 28-22, 54-37, 76-55, 96-69.
- Latest
- Trending