Pasok si Jeson sa Round of 32
MANILA, Philippines – Inilabas ni Jeson Patrombon ang kanyang karanasan upang malusutan ang French lucky loser na si Alexandre Favrot, 6-2, 5-7, 6-3, sa round of 32 ng 24th Yucatan World Cup sa Meridan, Mexico.
Ibinalik ni Patrombon ang momentum sa kanyang panig nang kunin ang unang dalawang laro sa ikatlo at huling set para makaabante sa round of 16 laban sa isa pang French netter na si Lucas Pouille na umukit ng 6-2, 6-2 panalo kay Yannis Baltogiannis na isang lucky loser mula sa Belguim.
Tinukoy ni coach Manny Tecson ang pagkatalo sa second set ni Patrombon kahit tinanganan ang 5-4 kalamangan nang mawala ito sa focus matapos ang injury timeout na hiniling ni Favrot.
Umabante rin sa doubles ang tambalang Patrombon at Jarin Grinter ng New Zealand sa pamamagitan ng 3-6, 6-1 (10-8) panalo kina Felipe Rojas at Pedro Pablo Ruiz ng Colombia.
Pero kung kaya pang umabante ang dalawa na seventh seed sa torneo ay isa pang malaking katanungan dahil dumanas ng pulled stomach muscle si Grinter at hindi pa tiyak kung makukuha ang tunay na laro sa pagbangga nila sa tambalang Patrik Fabian ng Slovak Republic at Justin To ng Hong Kong sa round of 16.
- Latest
- Trending