MANILA, Philippines – Tinalo nina Rey Saludar at Annie Albania ang mga nakalabang Japanese boxers para makapasok sa finals ng kanilang dibisyon sa 16th Asian Games boxing competition kahapon sa Foshan Gymnasium sa Guangzhou, China.
Pinulbos ni Saludar si 2006 Doha Asian Games bronze medalist Katsuaki Susa mula sa dominanteng 13-4 panalo sa men’s 52 kilogram division, habang may 16-1 tagumpay naman si Albania laban kay 2008 Beijing Olympics veteran Aya Shinmoto sa women’s 48 to 51 kilogram division.
Ang finals ay gagawin bukas at makakatapat nina Saludar at Albania ang mga matitikas na pambato ng host country.
Si Saludar ay makakasukatan ni Chang Yong na sinuwerteng mailusot ang 6-5 panalo kay Suranjoy Singh Mayengbam ng India.
Katapat naman ni Albania ang kasalukuyang world champion na si Ren Can Can na kumubra ng 11-7 tagumpay kay Mary Kom Hmangte ng India
Kabiguan naman ang nalasap ni bowler Engelberto “Biboy” Rivera sa Masters event.
Nawalang saysay ang paglagay sa ikalawang puwesto ng 36-anyos na bowler, nagkampeon sa singles para sa unang ginto ng bansa, nang mangapa sa huling walong laro sa short oil.
Ininda ni Rivera ang mahinang 166 pins na ginawa sa ikapitong game para sa kabuuang 1694.
Isama pa ang 1852 na ginawa sa unang walong laro sa long oil, tumapos lamang si Rivera taglay ang 3546 pins para sa ikapitong puwesto.
Wala ring naasahan sa women’s bowling dahil si Marianne Daisy Posadas ang lumabas na may pinakamataas na pagtatapos sa pangpito sa kabuuang 3390 pins, habang si Liza Del Rosario ay nalagay sa ikalawa sa huli sa hanay ng 16 na manlalaro sa 3267 pins.
Bagsak rin ang mga manlalaro sa individual kata at si Noel Espinosa at Mae Soriano sa pagsisimula ng karatedo kahapon.
Naunang natalo kay Itaru Oki ng Japan, 0-5, nagkaroon ng pagkakataon na lumaban sa bronze medal si Espinosa sa repechage nang pumasok sa finals si Oki.
Nanalo ito kay Wong Hong Neng ng Hong Kong, 4-1.
Nabigo naman siya kay Yousef Alharbi ng Kuwait, 0-5, sa labanan para sa bronze medal.
Si Soriano naman ay yumukod kay Jang So Young ng Korea, 4-2, at hindi nakasama sa repechage dahil hindi umabot sa finals ang tumalong Koreana.
Isa pang matinding dagok sa kampanya ng Pilipinas ay ang tinamong 74-66 kabiguan ng Smart Gilas national team sa quarterfinal round ng men’s basketball competition.
Dahil dito, talsik na ang Pilipinas sa medal round at ang pinakamagandang pagtatapos na puwede nilang kunin ay ang pumang lima sa kompetisyon.
Nananatili ang medal tally ng Pilipinas sa 2 gold, 2 silver at 8 bronze medals tungo sa 19th place.
Ang China ay may 169 gold, 89 silver at 86 bronze medals kasunod ang South Korea (69-57-79) at Japan (36-66-72).