MANILA, Philippines - Nabigo si Marestella Torres na mawakasan ang 15 taong kawalan ng medalya ng athletics sa Asian Games nang pumang apat sa paboritong long jump event sa 16th Asian Games sa Aoti Main Stadium sa Guangzhou, China.
Matapos ang 6.49m lundag sa unang talon na kanyang personal best, minalas si Torres na ma-foul sa sumunod na limang talon para malaglag mula sa una hanggang sa pang-apat na puwesto.
Si Yuliya Tarasova ng Uzbekistan ay nakagawa rin ng 6.49m pero nakuha niya ang bronze medal dahil sa kanyang 6.42m.
Ang ginto ay napunta kay Jung Soonok ng Korea sa lundag nitong 6.53m na ginawa sa fourth attempt, habang si Olga Rypakova ng Kazakhstan ay may 6.50 sa ikatlong talon para sa pilak.
Ang huling atletang nanalo ng medalya sa long jump ay si Elma Muros-Posadas noong 1994 Hiroshima Asian Games.
Ang huling gintong medalya naman ay naihatid ni Lydia De Vega-Mercado sa 100m sprint nong 1986 sa Seoul, Korea.
Si Rene Herrera ay No. 8 sa 3000m steeplechase event sa kanyang 9:02:93 tiyempo.
Ang hammer thrower na si Arniel Ferrera ay No. 9 sa kanyang 58.06 meters.