It’s not how you start, it’s how you finish.
Ilang beses na ba nating naririnig ito sa mga basketball experts?
Kadalasan ay tama ito.
Pero kung tutuusin, dapat ang isang team ay consistent mula umpisa hanggang dulo. May strong start at strong finish. At sa kalagitnaan ay dapat na magawa nilang pangalagaan ang abanteng naitala nila dahil sa tiyak na hahabol ang kalaban.
Yun ang ingredients ng isang magandang laro, sa pananaw ng isang coach.
Pero ang kahalagahan ng isang strong finish ay mahalaga sa kabuuan ng kampanya ng isang koponan sa torneo. Masama man ang naging simula nito’t napagtatalo, ang importante’y hindi ito mawalan ng loob, makagawa ito ng tamang adjustments, mag-peak sa tamang oras at makarating sa Final at magkampeon.
Marahil iyan ang saloobin ng bagong head coach ng nagtatanggol na kampeong B-Meg Derby Ace na si George Gallent.
Kasi nga’y masama ang naging simula ng Llamados sa 2010 PBA Philippine Cup kung saan nakalasap agad sila ng tatlong sunud-sunod na kabiguan. Bagamat “understandable” iyon dahil sa hindi naman nakapaglalaro ang mga big men na sina Kerby Raymundo, Marc Pingris at Rafi Reavis na nagpapagaling sa injuries at ang reigning Most valuable Player na si James Yap ay bagong opera sa ilong at hindi 100 percent healthy, ayaw ni Gallent na gamiting excuse ang mga ito .
Ang B-Meg Derby Ace ang siyang huling koponang nakatikim ng panalo sa torneo nang maungusan nito ang baguhang Meralco Bolts, 75-71 noong Okture 20. pero matapos iyon ay muli na namang sumadsad ang Llamados at natalo sa Barangay Ginebra at San Miguel Beer para bumagsak sa 1-5 karta.
Kung basta-basta na team ang B-Meg Derby Ace, malamang na pinanghinaan ito ng loob at sumuko. Kasi, maikli lang ang elims, Bale 14 games lang. At sa sitwasyon kung saan matagal pang babalik ang mga big men, parang malabo na ang pag-asa ng Llamados.
Subalit biglang nagising ang Llamados at marahil ay na-realize nila na kailangang sila na lang muna ang bibitbit sa team at huwag na nilang hintaying bumalik ang mga big men.
Hayun! Apat na sunod na panalo ang kanilang itinala kontra sa Talk N Tex (104-97), Air21 (102-97), Powerade (85-73) at Rain or Shine (94-86). Bunga nito’y umakyat sila sa ikaapat na puwesto sa record na 5-5.
At naghahabol lang sa kanila ang Alaska Milk na biglang sumadsad matapos na magwagi sa unang tatlong games. Magkataliwas ang kapalaran ng Llamados at Aces. Maganda ang simula ng Alaska Milk pero bigla itong nakurta.
Pero siyempre, hindi pa naman tapos ang torneo, hindi pa nga tapos ang elims. Ang maganda lang sa panig ng Llamados ay ang pangyayaring nakausad na sila sa kabila ng “manpower crisis.”
At kapag nakabalik ang mga manlalarong hinihintay ng B-Meg Derby Ace, aba’y ibang usapan na iyon!
* * *
Happy birthday kay Solar Sports director Francis Noel Jopillo na nagdiriwang ngayon, November 23.