MANILA, Philippines - Kung hindi man siya makatulong sa opensa, babawiin niya ito sa depensa o anumang paraan kung saan siya mapapakinabangan ng mga Beermen.
Sa dalawang sunod na come-from-behind wins ng San Miguel sa 2010-2011 PBA Philippine Cup, ang 29-anyos na si Jay Washington ang kuminang nang husto para kay rookie coach Ato Agustin.
Kaya naman siya ang napili bilang Accel-PBA Press Corps’ Player of the Week.
“So whenever I’m not playing good offensively I try to concentrate on the other areas where I can help the team, especially on the defensive end,” sabi ng 6-foot-7 na si Washington.
Tinalo ni Washington sa naturang weekly honors ang kakamping si Arwind Santos at si PJ Simon ng nagdedepensang Derby Ace.
Nagtala si Washington ng all-around averages na 15.5 points, 11.5 rebounds, 2.0 blocks, 1.5 steals at 1.5 turnovers sa loob ng 32 minuto sa dalawang panalo ng Beermen sa Talk N Text Tropang Texters at Ginebra Gin Kings.
Sa 79-78 paglusot ng San Miguel sa Ginebra noong Linggo, humakot ang 2005 overall draft pick ng 4 points, 12 rebounds, 3 assists at 3 shotblocks.
Tampok sa produksyon ni Washington ay ang kanyang krusyal na tip-in sa huling 13.4 segundo para sa final count ng laro.
Sa 93-88 pananaig naman ng Beermen sa Tropang Texters, naglista si Washington ng 20 points at 11 rebounds.
“I think we’re getting better as a team,” ani Washington sa 9-2 baraha ngayon ng San Miguel. “Of course, there’s still a long way to go, but I’m sure winning close games in this conference showed a lot about the character of this team.”