Bronze puntirya rin nina Saludar, Lopez: Albania tiyak na sa tanso
GUANGZHOU--Tibay ng dibdib ang ipinamalas ni Annie Albania upang matiyak ang ikalawang medalya ng Pilipinas sa larangan ng boxing sa 16th Asian Games dito.
Isinantabi ng 28-anyos na si Albania ang height advantage ng North Korean na si Kim Hye Song nang gamitin niya ang gilas at husay sa pag-atake upang maiuwi ang 7-2 panalo sa women’s 48 to 51 kilogram division.
Si Kim na isang silver medalist sa nagdaang World Women Championships at tinalo ang mahusay na si Peamwilai Laopeamn ng Thailand, ang umiskor sa unang dalawang puntos gamit ang kanyang mahahabang galamay.
Pero nag-adjust agad si Albania at inatake si Kim at umiskor gamit ang kanang kamao para makalusot sa quarterfinals.
Nasamahan na ng Asian Indoor Games gold medalist si Rey Saludar sa nakatiyak na ng bronze medals sa delegasyong ipinadala ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP).
Tatangkain niyang makapasok sa gold medal bout sa pagharap ni Albania laban kay Aya Shinmoto ng Japan na tinalo si Nguyen Thi Tuyet Mai, 9-3.
Sumalang pa sa aksyon sina Victorio Saludar at Wilfredo Lopez kinagabihan at nangangailangan din ng panalo para makatiyak na rin ng bronze medals.
Patuloy ang malamyang performance ng mga Filipino nang ang men’s bowling team ay bigo sa hangaring madagdagan ang 1 gold at 1 bronze medals na naibigay sa men’s singles nang hindi nakaporma sa team of five at all events.
Ang men’s singles champion na si Engelberto Rivera kasama ang bronze medal winner Frederick Ong, Chester King, Raoul Miranda at Benshir Layoso ay nagkaroon lamang ng kabuuang 2971 pins sa 12 laro para malagay lamang sa ika-11 puwesto.
Si Rivera ay nagkaroon ng kabuuang 5231 pins sa kabuuang laro sa singles, doubles, trios at team of five pero sapat lamang ito para sa ikawalong puwesto.
Hindi rin kuminang ang Pambansang siklista na sina Irish Valenzuela at Lloyd Lucien Reynante nang magtala ng 4:15:08.25 at 4:15:14.09 sa 180km Individual Road Race at nalagay lamang sa ika-24 at 26 puwesto.
Habang isinusulat ang balitang ito, ang Pilipinas ay nasa ika-16th puwesto sa 2 ginto, 2 pilak at 8 bronze medals. May 147 ginto, 71 pilak at 72 bronze medals ang nangungunang China.
- Latest
- Trending