GUANGZHOU - Sa pagkakaroon nina Japeth Aguilar at Sol Mercado ng injuries, bumaba sa 10 ang players ng Smart Gilas Team Pilipinas para sa Asian Games basketball competitions.
Hindi pa nakakalaro si Aguilar mula nang magkaroon ng injury sa kanilang tune-up game ng Dongguan team noong Nobyembre 11.
Hindi na siya makakalaro sa Asian Games dahil sa kanyang partial posterior collateral ligament tear.
Dalawang paa naman ni Mercado ang may injury.
Ayon kay sports orthopedic surgeon Dr. Raul Canlas, anim hanggang walong linggo ang kailangang ipahinga ni Aguilar.
Naglaro naman si Mercado kahit na may strained right ankle sa unang tatlong laro ng Smart Gilas sa Asian Games.
Dumadalo si Mercado sa daily therapy session sa athletes’ village at umaasang makakalaro sa knockout stage.
“I still have a heel injury. It hasn’t gotten better. I over-compensated with my left and now I have a plantar fasciatis problem (on both feet),” sabi ni Mercado.
Natamo ng 5-foot-11 work horse ang injury sa kanyang huling paglalaro para sa Rain or Shine sa PBA Philippine Conference.