MANILA, Philippines – Walang aatrasang laban si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao.
Ito ang sagot ni Pacquiao sa kantiyaw ni world middleweight titlist Bernard Hopkins kung saan sinabi nitong ayaw labanan ni “Pacman” ang mga African -American fighters.
“Hindi tayo matatanghal na pound for pound king kung namimili tayo ng laban. Wala tayong pinipili na laban. Kahit sino, basta boksingero... kahit si (Sugar Shane) Mosley, (Floyd) Mayweather,” sagot ni Pacquiao.
Sa naunang panayam ng Funhouse.com, sinabi ni Hopkins na pilit na iniiwasan ni Pacquiao ang mga African-American boxers.
“That’s why Floyd Mayweather would beat Manny Pacquiao because the styles that African-American fighters -- and I mean, black fighters from the streets or the inner cities -- would be successful,” ani Hopkins.
Kabilang sa mga nakalaban ni Pacquiao ay sina Lehlo Ledwaba ng South Africa at Joshua Clottey ng Ghana.Nauna nang inihayag ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na kung hindi haharapin ng maarteng si Mayweather si Pacquiao ay si Mosley ang kanyang huhugutin.
Nagmula si Pacquiao sa isang unanimous decision win kay Mexican Antonio Margarito para makuha ang bakanteng World Boxing Council (WBC) light middleweight crown noong nakaraang Linggo sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas.