MANILA, Philippines - Umiskor ng magkahiwalay na panalo ang nagdedepensang Wang’s Ballclub at elimination round topnotcher Hobe Bihon para itakda ang kanilang winner-take-all title showdown sa 2010 MBL Invitational basketball tournament sa Lyceum gym sa Intramuros, Manila.
Bumangon ang Wang’s Ballclub mula sa ilang double-digit deficits para tatlunin ang Royale Business Club, 94-92, habang binigo naman ng Hobe Bihon ang Star Group of Publications, 99-90, sa season-ending tournament na itinataguyod ng Smart Communications, Dickies Underwear, WG Diners at PRC Courier Services.
Humakot sina dating Adamson University gunner Jerry Orera at ex-PBA star Biboy Simon ng pinagsamang 63 points para sa Mandaluyong-based team nina coach Pablo Lucas at manager Macky Vilarta.
Umiskor si Orera ng game-high 32 points, kasama rito ang 11 points sa 19-0 run ng Wang’s sa third quarter na nagbigay sa kanila ng 63-55 abante mula sa 44-55 halftime deficit.
Nagdagdag naman si Simon ng 31 points.
Nagdagdag si Ryan Regalado ng 13 points, tampok ang back-to-back three pointers sa huling dalawang minuto para sa 90-84 lamang ng Wang’s.