Congressional Award of Distinction, ibibigay ng Kongreso kay Pacquiao
MANILA, Philippines - Sa kanyang pagbabalik sa trabaho sa Kongreso, bibigyan si Sarangani Rep. Manny Pacquiao ng “Congressional Award of Distinction” ng kanyang mga kapwa mambabatas.
Matapos talunin ang mas malaking si Antonio Margarito ng Mexico via unanimous decision noong Linggo sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas, kabuuang 11 House Resolutions na ang naisumite para bigyan ng parangal ang Filipino world eight-division champion.
Dalawa hanggang tatlong beses ring tumayo ang 31-anyos na si Pacquiao sa Kongreso para sa kanyang privilege speech.
At ito naman ay hinahangaan ni House Speaker Feliciano ‘Sonny’ Belmonte.
“Manny comes from Sarangani. And Sarangani is a province dependent on agriculute and fishing. Marami ring mahihirap doon,” ani Belmonte. “And Manny made this his personal crusade to try to improve their lives there. And I’m sure he can achieve it dahil popular siya, may pera siya, may authority siya. He’s a congressman now.”
Nakatakdang dumating si Pacquiao ngayong umaga mula sa Los Angeles, California.
Samantala, hiniling naman ng kanyang inang si Mommy Dionisia na tuluyan nang iwanan ang pagboboksing.
“Hiling ko lang sa kanya, pagretiro sa boxing,” ani Mommy Dionisia sa panayam ng ABS-CBN News sa kanyang pagdating kahapon sa Ninoy Aquino International Airport. “Kung ako ang mag-decide, kung ako ang papiliin gusto ko mag-retire ang anak ko.”
Sa kalagitnaan ng laban ni Pacquiao kay Margarito, hinimatay si Mommy Dionisia at agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital sa Dallas.
- Latest
- Trending