Pacman darating ngayong umaga
MANILA, Philippines - Mainit na pagsalubong ang inaasahang igagawad kay Manny Pacquiao na darating ngayong umaga matapos ang matagumpay na laban kontra sa mas malaking si Antonio Margarito noong nakaraang Linggo sa Cowboy’s Stadium sa Arlington, Texas.
Inaasahang nasa bansa ang Team Pacquiao sa madaling araw bukas at matapos ang sandaling pamamahinga ay magsisimula ang paggawad ng parangal matapos makuha nito ang ikawalong world title sa WBC junior middleweight division.
Samantala, hindi pa malaman ng Malacañang kung anong klaseng parangal ang maibibigay nila kay Pacquiao matapos ang huling tagumpay sa mas malaking si Margarito.
Makailang-ulit ng pinapurihan ng Palasyo si Pacquiao sa mga nagdaang tagumpay pero ito ang unang pagkakataon na sa kapanahunan ng Pangulong Benigno Aquino III nanalo si Pacman na Kongresista rin ng Sarangani Province.
Naipagkaloob na sa Pambansang kamao ang Order of Lakandula na may ranggong Champion For Life noong 2006 nang talunin nito si Oscar Larios sa Araneta Coliseum habang ang Order of Sikatuna na may ranggong Datu o Grand Cross with Gold Distinction, ang ipinagkaloob nang manalo kay Miguel Cotto para sa WBO welterweight title.
Ang Kongreso na kung saan kabilang si Pacquiao at ang Senado ay magbibigay din ng kanilang mga parangal sa Lunes.
- Latest
- Trending