PSC bubuhayin ang sports tie sa ibang bansa
MANILA, Philippines - Bubuhayin uli ng Philippine Sports Commission ang sports ties sa ibang bansa upang mas mabigyan ng magandang pagsasanay ang pambansang manlalaro bilang paghahanda sa susunod na malakihang kompetisyon.
Sinisipat ni PSC chairman Ricardo Garcia ang muling kausapin ang bansang China at Cuba upang buhayin ang sports tie-up na dati nang ginawa ng bansa habang nagpadala na rin siya ng proposal para sa sports exchange sa bansang Indonesia at Russia.
“I still think that for our athletes to really improve, we should provide them with exposure and training outside the country,” wika ni Garcia.
Pero dahil limitado ang pondo ng Pilipinas sa mundo ng palakasan, kung kaya’t mas uunahin muna ng PSC ang training sa ibang bansa para makaranas ng world class training ang mga manlalaro ng bansa.
“Malayung-malayo na ang China, Korea at Japan kung sa Asian region ang pag-uusapan base sa Asian Games,” dagdag pa ni Garcia.
Mayroon na dating sports ties ang Pilipinas sa China at Cuba kung kaya’t inaasahang hindi na mahirap na buhayin ito habang bukas naman ang Indonesia at Russia na tulungan ang pambansang atleta.
Paghahandaan ng Pilipinas sa 2011 ay ang Southeast Asian Games sa Indonesia bukod pa sa mga gagawing qualifying events para sa 2012 London Olympics.
- Latest
- Trending