MANILA, Philippines - Si Antonio Margarito na ang lalabas na pinakamalaking boksingero na makakalaban ni Manny Pacquiao.
Mismong si Top Rank promoter Bob Arum na siyang humahawak sa career ni Pacquiao ang nagsabi nito upang matiyak na hindi na mauulit ang ilang araw na pag-inda ng pambansang kamao dala ng epekto ng paglaban sa mas malaking katunggali.
“At this point, I don’t want to put Manny in with another big guy, a guy even bigger than Margarito,” wika ni Arum sa panayam ng Boxing Features.
Umukit ng unanimous decision si Pacquiao sa mas malaking si Margarito nang nagtuos sila sa Cowboy’s Stadium para sa bakanteng WBC junior middleweight division.
Basag ang mukha ni Margarito sa matitinding suntok na pinakawalan ni Pacquiao at kinailangan nga na operahan ang kanang eye socket nito matapos mapuruhan ng mga power punches ng eight world division champion.
Ngunit may ininda rin si Pacquiao matapos ang laban dahil nasaktan siya ng malakas na suntok sa kanyang tadyang na ininda rin nito ng ilang araw.
“That fight really affected him physically. He took a lot more beating in that fight that he did in his others. He got hurt, He’s banged up a little bit,” dagdag pa ni Arum.
Dahil sa nakita at sa pangambang posibleng ikadisgrasya pa ito ng pambansang kamao kung aakyat pa ito ng timbang, mas mabuti nang bumaba na sa 147 pound welterweight division si Pacquiao sa mga susunod niyang laban.
Sa desisyong ito, hindi na maisasakatuparan ang planong pagkikita ni Pacquiao sa tulad ni Paul “The Punisher” Williams na kumakampanya sa middleweight division.
Pero hindi naman mangangahulugan na magiging matamlay ang susunod na laban ni Pacquiao dahil pilit na isasara ni Arum ang pagkikita ni Pacman at ng walang talong si Floyd Mayweather Jr. na siyang nais na mapanood ng mga boxing fans.