GUANGZHOU- Tinalo nina Johnny Arcilla at RJ Gonzales ang mga pambato ng Sri Lanka, habang hindi naman nagpagod sina Cecil Mamiit at Conrad Treat Huey sa kanilang panalo sa first round ng doubles play sa 16th Asian Games tennis competitions sa Aoiti Tennis Center.
Nagtuwang sina Arcilla at Gonzales mula sa kanilang pinagsamang anim na aces at pitong service winners para igupo sina Fahad Al Saad at Omar Al Thagib, 6-1, 6-1, upang pumasok sa Round of 16.
Nakasama nila sina Mamiit at Huey na umiskor ng walk-over win kina Erdenebayar Durenbayar at Angarag Sandag ng Mongolia.
Makakasagupa nina Arcilla at Gonzales sina SK Devvarman at SK Singh ng India.
Makakatapat naman nina Mamiit at Huey sina Soeda Go, miyembro ng silver medal-winning team sa 2002 Doha Asian Games, at Hiroki Kondo, nag-uwi ng bronze sa 2009 East Asian Games, ng Japan.
Para makarating sa finals sina Mamiit at Huey, makakasagupa muna nila sa quarterfinals sina Yi Chu-huan at Lee Hsin-han ng Chinese-Taipei at sa semifinals ang second seed na China.
Dadaan naman sina Arcilla at Gonzales kina Bai at Zhang ng China sa quarterfinals sakaling manalo kina Devvarman at Singh.
Naghihintay naman sa semis sina top seed Sanchai at Sonchat Ratiwatana ng Thailand.