MANILA, Philippines - Hinimok ng isang kasamahan sa Kongreso si Manny Pacquiao na gawin ang susunod na laban sa bansa upang makatulong ito sa pagbangon ng turismo ng Pilipinas.
Si Minority Floor Leader Edcel Lagman ang nagsabi na napapanahon na para muling pasiglahin ni Pacquiao, kinatawan ng Sarangani Province, ang mga kababayang tumitingala sa kanya sa pagdaraos ng unang laban nito sa 2011.
“Fighting here would mean that he would be giving back and showing his gratitude to his countrymen-his faithful fans and steadfast admires. It would certainly contribute to increased tourism receipts, more jobs and economic opportunities for Filipino and will revitalized our tourism industry,” wika ni Lagman sa panayam ng GMAnews.tv.
Huling laban ni Pacquiao sa bansa ay noon pang Hulyo 2, 2006 sa Araneta Coliseum nang harapin at tinalo sa pamamagitan ng unanimous decision si Oscar Larios ng Mexico para sa WBC international super featherweight title.
Ang sumunod na malalaking laban ni Pacman ay ginawa na sa US at ang huli nga ay kontra kay Antonio Margarito sa Cowboy’s Stadium at umukit ng unanimous decision ang Pambansang kamao para tanghaling kampeon ng WBC junior middleweight division.
Ang problema kung sino ang maglalabas ng pondo ang isa sa dapat malaman dahil hindi biro ang gagastusin ng Pilipinas kung dito gagawin ang susunod na laban ni Pacquiao.
Isa nga sa sinisipat na sunod na kalaban ni Pacquiao ay si Floyd Mayweather Jr. at kung matutuloy ito ay mangangailangan ng hindi bababa ng $40 milyon na papremyo pa lamang sa dalawang matitinik na boksingero.
Hindi naman nakikitang problema ito ni Lagman ang pagpondo dahil hahawakan pa rin ito ng mga dayuhang promoters at sa dami ng mga tutulong ay naniniwala siyang kikita pa ang nasabing promotions.