GUANGZHOU - Bago pa man magsimula ang kompetisyon para sa taekwondo, makakasiguro na ang Pilipinas ng dalawang tansong medalya matapos na palarin ang dalawang pambato ng bansa na sila Tshomlee Go at ang bagitong si Samuel Morrison sa bunutan at umusad na agad sa semis ng Asian Games.
Ang pangunahing manlalaro ng bansa na si Go ay hindi sasalang sa aksyon hanggang sa huling araw ng paligsahan ng taekwondo sa ika-20 ng Nobyembre habang si Morrison naman ay maaaring maiuwi ang isa pang bronze medal sa kanyang unang pagsabak sa Asiad matapos na ma-kakuha ng bye papasok sa semis round.
Bubuksan naman ni Fil-American teen Pauline Lopez ang kampanya ng koponan sa alas-9:48 ng umaga laban kay Dhaka sil-ver medallist Laila Hussain ng Afghanistan sa quarterfinals ng 46 KG class.
Ang 20-anyos na si Morrison naman ay sasabak sa aksyon sa unang pagkakataon sa 70 KG semis na kung saan maka-kasiguro siya ng pilak kapag nanalo.
Sa alas-10:52 ng umaga naman ay sasagupain ni Laos SEA Games bronze medallist Jyra Marie Lizardo ang 2007 SEA Games gold medallist na si Elaine Shueh Fhern ng Malaysia sa 49 KG class quarters.
Makikita naman sa aksyon bukas sina Marlon Avenido laban kay Hamad Wadee Khalil ng Bahrain sa 80 KG, Jade Zafra laban kay Tseng Yi Hsuan ng Taipei sa 53 KG at Karla Jane Alava kontra kay Iranian Sousa Hajipourgoli sa 75 KG.
Makikipagbuno naman sa ika-19 ng buwang ito sina Jeffrey Figureoa laban kay Khamis Rashed Bila ng UAE sa 68 KG at si Marie Camille Manalo laban kay Dhunyanu Premwhaew ng Thailand sa 62 KG.
“They’re ready, their training in Korea and the dual meet helped them see the strengths and weaknesses of Korea players and, hopefully, we can use this knowledge to size up our opponents,” saad ni National coach Rocky Samson sa kanyang batang koponan.