MANILA, Philippines - Nakatiyak pa ng isang medalya ang Pilipinas sa araw na muling naging matamlay ang kampanya ng pambansang atleta sa pagpapatuloy ng 16th Asian Games sa Guangzhou, China.
Sinelyuhan ni sanshou artist Mark Eddiva ang ikaapat na bronze medalist ng bansa nang makapasok ito sa semifinals sa 65 kilogram division.
Hindi bababa sa bronze medal ang kanyang maibibigay sa Pambansang koponan matapos talunin si Kerigh Javad Aghaei ng Iran sa quarterfinals ng mapatalsik ng Laos SEA Games gold medalist ang kalaban sa mat.
Sunod na kaharap ni Eddiva ay ang pambato ng China na si Junyong Zhang kagabi at kung palarin na manalo ay aabante sa finals ng dibisyon.
“Mahirap na kalaban si Zhang dahil magaling siya. Pero ano man ang mangyari ay masaya kami sa medal na maibibigay ni Mark,” wika ni Wushu Federation Philippines (WFP) secretary-general Julian Camacho.
Si Eddiva lamang ang lalabas na medalist ng wushu matapos matalo ang iba pang sanshou artist na sina Eduard Folayang at Benjie Rivera sa kalalakihan at Mary Jane Estimar at Marianne Mariano sa kababaihan.
Ang taolo bet na si Daniel Parantac ay hindi rin pinalad sa nilahukang mga events.
Nanatili sa isang ginto at tatlong bronze medals ang napapanalunan ng bansa sa kompetisyon nang walang palarin sa mga manlalarong kumampanya sa mga unang events kahapon.
Kasama sa hindi sinuwerte ay ang anim na lady bowlers na hangad sanang masundan ang gold medal performance na ginawa ni Engelberto “Biboy” Rivera sa men’s singles kamakalawa.
Si Mariane Daisy Posadas, na gaya ni Rivera ay naglaro sa Bowling World Cup at tumapos sa ikalimang puwesto, ang lumabas na may pinakamagandang ipinakita sa ginawang 1183 iskor sa 6-game series.
Pero kapos ito ng 212 pins sa nanalo ng ginto na si Sun Ok Hwang ng Korea na mayroong 1395. Ang pilak at bronze medals ay napunta sa mga pambato ng Singapore na sina Lin Zhi Shayna Ng at Hui Fen New sa 1342 at 1341 iskor.
Bigo rin sina GMs Wesley So at Joey Antonio sa hangaring medalya sa individual chess sa Guangzhou Chess Institute.
Ang tatlong huling round sa 9-round format ay tinapos kahapon at si So ay may dalawang talo at isang tabla para magkaroon lamang ng 5 puntos at makatabla sa ika-14 hanggang 21 puwesto.
Si Antonio pa ang lumabas na may pinakamagandang ipinakita nang magkaroon ito n 5.5 puntos para makasalo sa ikasiyam hanggang 13th puwesto.
Si Marites Bitbit na nagsanay pa sa Australia ay nagkaroon lamang ng limang puntos sa point race para malagay lamang sa ikapitong puwesto habang ang mga kumatawan sa judo, soft tennis, shooting, sailing at ilang laro sa bilyar ay hindi rin naging produktibo.
Dahil hindi nabago ang isang ginto at tatlong bronze medal na naitala ng Pilipinas, ang koponan ay nalaglag buhat sa ikasiyam na puwesto tungo sa ika-11 puwesto.
Ang China ay nangunguna pa rin sa 70 ginto, 25 pilak at 26 bronze medals at sinusundan sila ng South Korea na mayroong 21-15-24 at Japan na may 15-32-27.
Ang Malaysia ang nananatiling angat sa hanay ng South East Asian countries sa ikasampung puwesto gamit ang 1 ginto, 1 pilak at 3 bronze medals.