Pacquiao 'di na ikakasa sa mas mataas na timbang - Ariza
HOLLYWOOD--Umaasa si conditioning coach Alex Ariza na hindi na ulit sasampa pa si Manny Pacquiao sa 150 pound weight limit sa kanyang mga susunod na laban.
Ayon kay Ariza, hindi talaga bagay kay Pacquiao ang mabigat na timbang tulad sa junior middleweight na siya nilang pinaglabanan ni Mexican boxer Antonio Margarito nitong Sabado (US time) sa Cowboy’s Stadium sa Arlington, Texas.
“I hope that’s the last fight at 150. Manny and I talked about it today and we’re kind of done with this,” ani Ariza.
Bagamat ang catchweight ay nasa 150 pounds, si Pacquiao ay pumasok sa timbang tangan ang 144.6 pounds habang ang kanyang bigat sa gabi ng laban ay nasa 148 pounds.
Ang timbang na ito ay isang pound lampas lamang sa welterweight division na nauna na ring pinagharian ni Pacman.
Si Margarito naman ay tumimbang sa eksaktong 150 pounds pero nagdagdag ito ng 15 pounds ng sumampa ng ring.
Bagamat mas malaki, nadaan naman ni Pacquiao ang laban sa kanyang angking bilis at malalakas na suntok upang maiukit ang unanimous decision at masungkit ang bakanteng WBC junior middleweight title.
Sang-ayon si Ariza na kung ang ganitong kondisyon ni Pacquiao ang haharap kay Floyd Mayweather Jr. ay tiyak na mapapatulog nito ang walang talong US boxer.
Pero mas nararapat na ilagay umano si Pacquiao sa kanyang tamang timbang dahil nangangamba siyang may masamang epekto itong maidulot sa kanyang pangangatawan kung sasabak pa uli sa mabigat na timbang.
“I think it has lost its appeal for us to keep trying to push it. When is enough enough? Until we get him hurt? At what point is enough?” pagtatanung ni Ariza.
Wala pang malinaw na plano pero malakas na ang ugung-ugong na ipagpapatuloy ng Top Rank ang paghimok kay Mayweather na harapin si Pacquiao sa mega fight na sinikap na nilang lutuin noon pang nakaraang taon.
Ngunit kung hindi pa rin kumagat si Mayweather, mas napupusuan ni Ariza na bigyan uli ng pagkakataon si Juan Manuel Marquez na dalawang beses na nakaharap at binigyan ng matinding laban si Pacquiao.
Sa unang pagtutuos ay nauwi sa tabla ang sagupaan pero sa ikalawang pagkikita ay nanalo na si Pacquiao sa pamamagitan ng split decision, isang resulta na hindi pa rin tanggap ng Mexican champion.
- Latest
- Trending