MANILA, Philippines - Bigo man ay hindi naman masasabing nauwi sa wala ang paglahok ng Pilipinas sa larangan ng triathlon sa Asian Games sa Guangzhou China.
Ang 19-anyos na si Nikko Bryan Huelgas ang nagdala sa laban ng bansa nang tumapos ito sa 11th place, tatlong puwesto mas mataas ang pambato ng bansa na si NeiL Catiil na nalagay sa ika-14th spot.
Nasa ikalawang taon pa lamang sa sport, si Huelgas ay naorasan ng dawang oras, isang minuto at 53.01 segundo na kanyang personal best.
Pero laban sa mga matitikas sa rehiyon, si Huelgas ay kinapos ng mahigit na siyam na minuto sa nagkampeon na si Hosoda Yuichi ng Japan na mayroong 1:52:15.56.
Pumangalawa ang kababayan ni Yuichi na si Yamamoto Ryosuke sa bilis na 1:52:41.49 habang ang dating Asian champion na si Dmitriy Gaag ng Kazakhstan ang pumangatlo sa bilis na 1:53:08.21.
“We missed our target of a top ten finish but Nikko made a personal best despite being 19-year old and only in his second year in triathlon,” wika ni TRAP president Tom Carrasco Jr sa ipinadalang text message .
Si Catiil kahit nalagay sa mababang puwesto ay lumabas na number two sa hanay ng mga manlalaro mula sa Southeast Asia upang magkaroon ng tibay ang hangaring 1-2 finish kung maisasama ang triathlon sa 2011 Indonesia SEA Games.
“No excused. Its back to the drawing board and we will have to work harder in training,” dagdag pa ni Carrasco.
May kabuuang 21 triathletes mula sa 12 bansa ang sumali sa men’s triathlon sa Asian Games sa edisyong ito.