MANILA, Philippines - Naghahanda ngayon ang Rotary International District 3810 sa paglalarga ng ECORun 2010 para makatulong sa pagpapalawig sa kahalagahan na mapangalagaan ang ecosystem ng bansa.
Sa pangunguna ni District Governor Tranquil S. Salvador at sa suporta nina Global President Annelyn M. Quiza ng Rotary Club Malate Prime at GP Joi Enriquez ng RC Pasay Silangan, ang patakbo ay gagawin sa Disyembre 12 na magsisimula at magtatapos sa Philippine Army Grands and Headquarters sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Plano ng nagtataguyod ng karera na maglaan ng isang puno sa bawat mananakbo na sasali sa mga kategorya na 3k, 5k, 10k at 15k.
“Ito ang unang pagkakataon na gagawa kami ng ganitong proyekto at naniniwala kaming makabuluhan ito lalo nga’t naramdaman natin ang pinsala ng dalawang malalakas na bagyo noong nakaraang taon,” wika ni DG Salvador.
Hangad ng mga magpapatakbo na marami ang sumali dahil ang sosobra sa P350 bawat ulo na entry fee na makukuha ay ilalaan sa pagtatanim ng puno mula sa Manila, Cavite, Pasay at sa Infanta Quezon.
Naniniwala ang mga organizers na dudumugin ang kanilang run-for-a-cause dahil katuwang din nila ang De La Salle Health and Sciences Institute, Armed Forces of the Philippines, Department of Environment and Natural Resources, Metro Manila Development Authority, Philippine National Police at Philippine Sports Commission.
Nagsisimula na ang registration sa patakbo at ito’y ginagawa na sa Glorietta Robinson’s Malate, Market Market sa Fort Bonifacio, Ever Gotesco Commonwealth, Festival Mall Alabang, R.O.X., SM Mall Of Asia, SM North Edsa, SM Megamall, SM Bicutan at SM Dasmarinas, Cavite.