GUANGZHOU-- Ibinigay nina Ronnie Steeve Vergara at Charlea Lagaras ang ngiti sa Philippine delegation nang angkinin ang bronze medals sa cha cha at paso doble routines sa 16th Asian Games dito.
Sina Shi Lei at Zhang Baiyu ng China ang kumuha sa gold medal sa cha cha at sina Kim Do Hyeon at Park Sumyo ng Korea ang sumikwat sa silver.
Sa paso doble, ang ginto ay napunta kina Wang Wei at Chen Jin ng China, habang ang pilak at ibinulsa nina Jang Se Jin at Lee Hae In ng Korea.
“We will keep on fighting. We know that our rivals are strong too but our dancers are determined,” sabi ni Maria Neto ng DanceSports Federation.
Sa ikalawang araw ng kompetisyon, ang China pa rin ang nangunguna pagdating sa paghakot ng gold medal.
Bigo pa rin ang mga Pinoy na makakolekta ng gintong medalya sa rowing, shooting, swimming, tennis, triathlon at dancesports.
Natalo ang soft tennis team mula sa kanilang 2-1 loss sa defending Asiad champion Chinese-Taipei para tumapos bilang fifth overall, habang natalo rin ang women’s team sa billiards sa kanilang quarterfinal match ng host China.
Umiskor naman ang Chinese Taipei sa lawn tennis matapos kunin ang dalawang singles matches laban sa RP Team sa quarters.
Hindi rin sinuwerte sina Efren Bata Reyes at Roberto Gomez nang matalo sa first round sa 8-ball competitions kagaya ni Rey Grandea sa yumukod sa English billiards.
Kabiguan rin ang bumungad kina Alvin Barbero at Marlon Manalo sa opening round ng snooker.
Natalo naman ang mag-asawang sina Joel at Anabelle Madera sa medal round ng waltz nang masibak sa semis sa dancesport event.
Minalas rin sina Alvin Amposta at Roque Abala sa heat two ng rowing nang magtapos bilang pang-apat sa kanilang oras na 6:55.36.
Pumuwesto naman si Mark Lloren Manosca sa 45th sa kabuuang 50 lahok sa men’s 10 meter air pistol, samantalang 44th naman si Alyana Kystle Chuatoco sa qualifying stage ng distaff group.
Nasibak naman sa swimming competition sina Jessie King Lacuna at Erica Tottensa.