8th Title puntirya ni Pacquiao: Sa laban ngayon kay Margarito
DALLAS--Kung mananalo siya, may bago nang katawagan para sa kanya --ang ‘Eighth Wonder of the World’.
Target ni Manny Pacquiao ang kanyang pang walong world title.
Sa ngayon, si Pacquiao lamang ang tanging boksingero na nagwagi ng pitong world boxing crowns sa pitong magkakaibang weight classes.
Ito ay sa flyweight, super-bantam, featherweight, super feather, light weight, light welter at welterweight.
“I come from nothing,” sabi ni Pacquiao.
Makikipagtagpo si Pacquiao kay Antonio Margarito ngayon sa Cowboys Stadium sa harap ng inaasahang 60,000 bilang ng manonood.
Pag-aagawan nina Pacquiao at Margarito ang bakanteng WBC super-welterweight crown.
Ilang boksingero lamang ang may multiple world titles.
Kabilang rito sina Tommy Hearns (welter, super-welterweight, middle, super-middleweight at light-heavyweight); Sugar Ray Leonard (welterweight, middleweight, super-middleweight at light-heavyweight); Roberto Duran (lightweight, welterweight, light-middleweight at middleweight); at Oscar dela Hoya (super-featherweight, lightweight, super-lightweight at welterweight).
May apat na world titles rin sa magkakaibang weight classes sina Roy Jones, Jr. at Floyd Mayweather, Jr.
Lalabanan ni Pacquiao si Margarito sa catchweight na 150 pounds.
Kung lumaban si Pacquiao sa bantamweight class, malamang na may walong world titles na siya.
“Kuha din sana ‘yun so dati pa pito pa sana,” wika ni Pacquiao.
So where does he go if he gets past Margarito?
Samantala, hindi nababahala ang Pambansang kamao sa pagkakaroon ng magaan na timbang papasok sa tagisan nila sa kuwadradong lona ng mas malaking Margarito.
Matapos ang weigh-in kahapon na ginanap sa East end zone ng nasabing stadium, tumimbang lamang si Pacquiao sa 144.6 pounds habang ang kalaban na si Margarito ay pumasok sa eksaktong 150 pounds.
Ang paglalabanan ng dalawa ay para sa bakanteng WBC junior middleweight title na dapat ay sa timbang na 154 lbs. pero ibinaba ito sa catchweight na 150 pounds.
“Masaya ako sa timbang kong ito,” wika ni Pacquiao na nais na pumasok sa magaan na timbang upang hindi mawala ang panlaban na bilis at mala-rapidong suntok.
Pinatutsadahan pa nito si Margarito na nagawang maabot ang weight limit kahit marami ang nagsabing mahihirapan ito sa gagawing pagpapababa ng timbang.
“Margarito did not look good,” banggit ni Pacman.
Kapos si Pacquiao ng halos limang pulgada sa 5’11 na si Margarito habang pitong pulgada naman ang abante ni Margarito sa wing span sa kanyang 73-inches laban sa 67-inches ng pambato ng Pilipinas.
Pero ang kinatatakutang bilis nito ang siya pa ring naglalagay kay Pacquiao upang maging outstanding favorite sa tagisan.
Sa gabi ng sagupaan, si Pacquiao ay may -500 laban sa +350 ni Margarito. Nangangahulugan ito na dapat maglabas ng $500 ang mga nagnanais na pumusta kay Pacquiao upang manalo ng $100 habang ang $100 para kay Margarito ay tatama naman ng $350.
Kapwa nagsanay nang husto ang dalawang boksingero at bagamat nagkaroon ng mga problema sa pagsasanay si Pacquiao sa unang yugto nito ay nakabawi naman siya nang tumungo na sa Wild Card Gym para sa huling tatlong linggo ng sagupaan.
- Latest
- Trending