RP Blu Girls sinanay ang mata sa dilim para maging palaban sa Asiad
MANILA, Philippines - Pinaigting ng national softball team ang kanilang paghahanda sa 16th Asian Games sa pagsasanay sa gabi.
Kailangang masanay ang mga mata ng mga Blu Girls sa madilim na kapaligiran dahil may mga night games sila sa Guangzhou, China.
“Iba ang tingin ko sa bola kung gabi at hindi sanay ang mga players sa ganitong kondisyon kaya nagsasagawa kami ng ilang night practices,” wika ni ASAPhil director Ismael Veloso.
Anim na koponan ang kasali sa softball at kailangang manalo ng hindi bababa sa dalawang laro ang Pilipinas upang makapasok sa semifinals at maging palaban sa medalya.
Unang laro ng koponan ay ang host China sa Nobyembre 19, susundan ng tagisan nila sa Chinese Taipei sa Nobyembre 20, Thailand sa Nobyembre 21, Japan sa Nobyembre 22 at Korea sa Nobyembre 23.
Inaasahang mananalo ang Blu Girls na hawak ni coach Ana Santiago sa Thailand na kanilang tinalo nang dominahin ang ASEAN Softball Championships kung kaya’t kailangang may masilat sila sa apat na matitinding koponan.
Patok ang Japan, na manalo dahil ito ang kampeon sa Beijing Olympics at Asian Championship noong 2007, habang ang China at Chinese Taipei ay tumapos sa ikaapat at ikawalong puwesto sa nagdaang World Championships. Ang Korea ang siyang inaasinta ng Blu Girls na pabagsakin para makapasok sa Last Four.
Binubuo ang koponan ng core players ng 2007 Asian Championships na nalagay sa ikaapat na puwesto.
Aalis ang delegasyon sa Nobyembre 16 at pinatataas ang morale ng koponan ng pangakong pinansyal na insentibo mula sa pangulo ng ASAPhil na si Jean Henri Lhuillier.
- Latest
- Trending