Men's pool malaki ang tsansa sa gold
MANILA, Philippines - Ang koponan sa kalalakihan sa bilyar ang siyang sinasandalan upang makapaghatid ng gintong medalya sa Asian Games sa Guangzhou China na pormal na bubuksan sa Nobyembre 12.
Sa isang simpleng sendoff ceremony kahapon sa BSCP sa Rizal Memorial Sports Complex, sinabi ni patron Aristeo “Putch” Puyat ang paniniwalang sa pool events sa kalalakihan kikinang ang lahok ng billiards.
“Palaban din si Rubilen (Amit) sa women’s division pero mas mahirap ang kanyang laban dahil limang world champions ang makakabangga niya. Di tulad sa kalalakihan na ang China at Chinese Taipei lang ang talagang mabibigat sa pool,” wika ni Puyat.
Sina Hall of Famer Efren “Bata” Reyes at Roberto Gomez ang siyang magtatambal sa 8-ball singles habang sina Dennis Orcollo at Warren Kiamco ang magkaparehas sa 9-ball singles.
Hindi lalaruin sa edisyong ito ang doubles event na kung saan ang Pilipinas ay nakahakot ng ginto noong 1998 at 2002 edisyon.
Sina Romeo Villanueva at Gandy Valle ang nanalo sa event sa Bangkok habang sina Francisco Bustamante at Antonio Lining naman ang kuminang sa Busan Games.
Noong 2006 sa Doha, si Antonio Gabica ang naghatid ng ginto sa larangan ng 8-ball singles.
Ang iba pang kasapi at lalaruing events ay sina Marlon Manalo at Alvin Barbero sa snooker, Reynaldo Grandea at Benjamin Guevarra sa English billiards at Rodolfo Luat sa carom sa kalalakihan at sina Floriza Andal, Mary Ann Basas at Zemonette Oryan sa 6-red ball events.
Ang delegasyong hahawakan nina coaches Bustamante at Boyet Asonto ay tutulak patungong Guangzhou bukas upang mapaghandaan ang pagsisimula ng kanilang event sa Sabado (Nobyembre 13).
- Latest
- Trending