MANILA, Philippines - Hindi pa rin tinatantanan ng problema ang Gilas national team na naghahangad na makakuha ng medalya sa 16th Asian Games sa Guangzhou China.
Ang hugot sa PBA na si Solomon Mercado ay mayroong iniindang bone contusion sa kaliwang sakong habang ang planong tune-up games sa mga Chinese professional teams ay nalalagay din sa alanganin.
Umalis kahapon ng umaga ang koponan patungong China at bitbit nito ang 14 na manlalaro kasama si Mercado na gaya ni Fil-Am Chris Lutz ay nabigyan na ng kanilang mga accreditation IDs.
Pero kung makakalaro si Mercado ay isa pang malaking katanungan dahil sa tinamong injury nang pangunahan nito ang Rain Or Shine sa panalo laban sa San Miguel Beer nitong Linggo.
Ang nasabing injury ay lubusang maghihilom sa loob ng apat hanggang anim na linggo na kung susundin ay magreresulta sa di paglalaro ni Mercado sa Asiad.
Ang plano namang tune-up sa pagitan ng koponan at ng Guangdong Tigers at Gongguan Century Leopards ay maaaring isantabi ayon naman kay team manager Frankie Lim.
Bukod kina Mercado at Lutz, ang iba pang kasapi ng koponan ay sina Chris Tiu, Mark Barroca, Mac Barracael, JV Casio, Jason Ballesteros, Greg Slaughter, Japeth Aguilar, Aldrech Ramos, Dylan Ababou, Marcia Lassiter, Paul Asi Taulava at Kelly Williams.
Ang final 12 na maglalaro sa Asian Games ay malalaman matapos ang team managers meeting sa Nobyembre 12.